30 April 2007

One Way Samba

Ikaw ang aking gitarista, at ako nama'y
Iyong mang-aawit. Isang pakiusap
Lamang ay huwag ka naman sanang
Mangawit sa paghintay sa aking
Mga buwelta. Ituring mo akong
Sinaing, kailangang initin, o
Tubig pang-kapeng kailangan
Munang pakuluin.
Minsan kasi'y kay bilis
Ng mga daliri mong lumaktaw
Sa susunod na nota, apura
Sa pagtapos ng kanta. Tuloy,
Nabibitin ang aking hininga't
Tuyot pa ang ngala-ngala
Sa paghabol. At sa paglalim
Ng pagnanasa kong himasin pa't
Pahabain ang damdamin ng aking
Inaawit na iyong kinukumpasan,
Bigla ko na lamang mararamdaman
Ang paghugot mo't katapusan
Ng awit? Tugtugan? Ano't wala
Ni munting pasubali man lang o
Senyas na ika'y palabas
Na? Kung wala rin namang
Hintaya't bigayang mamamagitan
Sa ating tambalan, o patay talaga
Ang iyong pakiramdam, mag-solo na
Lang kayo, ikaw at
Iyong gitara.

-Jocelyn de Jesus
FORBIDDEN FRUIT: Women Write the Erotic

0 Comments: