21 June 2012

Parang Kahapon Lang


Something I posted on my Multiply Journal on November 25, 2008/ 2:29PM 

Nang pumasok ako sa Unibersidad- walang alam sa kalakaran ng mundong apat na taon kong pananahanan at pagpapandayan ng karunungan. Parang kahapon lang nang una akong mabigla sa dami ng estudyanteng pinagyayaman ng Sintang Paaralan.

Sa apat na taon ko dito, kasindami ng iba-ibang puno sa campus ang bilang ng klase ng mga propesor. Halos lahat sa kanila, napagdaanan ko na. May propesor na sitting pretty lang, merong grabe kung lumibot sa classroom, mahihilo ka; May maganda ang kalidad ng boses, meron ding siya lang ang nakakarinig ng lesson; may suma-sideline ng AVON, Natasha, at Boardwalk;may mahilig magpa-attendance at pag dumaan na yong checker, e magdi-dismiss na; may napakadali magpa-exam, meron namang akala mo licensure exam na; may sobrang late pumasok; meron ding sobrang late mag-dismiss; maraming prof na paimportante, konti lang ang hindi; may mga bagets pero marami ang tanders; maraming unfair bumilog sa classcards, mabibilang mo ang fair; merong mayabang, may humble; merong napakarami magpa-assignment, meron ding hindi nagpapa-assignment.

Marami sila at iba-iba. Lahat ng nabanggit ko, naging propesor ko na. Minsan lang ako sinwerte sa prof, karamihan dun minalas ako. Naging biktima na ako ng "tingin-sa-taas-bilog" strategy ng prof dahil sa mali at undeserved grades ko. Nabentahan ng AVON, Natasha, at Boardwalk. Nainip sa kahihintay ng pagdating nila, nagutom sa tagal mag-dismiss. Nabwisit ng makailang beses dahil sa VIP attitude ng marami sa kanila.

Pero sa lahat ng ito, nagpapasalamat pa rin ako at naging propesor ko sila. Nalaman ko ang mga ugaling hindi ko gagayahin sakaling tahakin ko ang katulad na propesyon at ang mga ugaling habambuhay kong titingalain.

Dati, takot na takot ako kapag enrollment na. Maghapon na naman kasi panigurado akong pipila. Isa ito sa mga atraksyon ng PUP. Longest line ang drama kapag ganitong panahon ng enrollment. Pinakamahabang pilang naranasan ko ay noong Oktubre 27 taong 2005, enrollment para sa ikalawang semestre ng unag taon ko. Nagsimula ako sa ikaanim na palapag ng Main Academic Building ng Unibersidad. Syempre, hindi ako nakapag-enroll ng araw na yon. Kinailangan kong ipakiusap sa isang kaklase na ibayad nya na lang ako dahil di ko na kaya.

Minsan na akong napasali sa mga organisasyong gaya ng ANAKBAYAN at League of Filipino Students. Hindi man ako naging aktibistang katulad nila na itinuloy-tuloy ang laban, sapat na ang ilang beses kong pagsama sa mga meetings ay naging daan para maintindihan ko ang nangyayari sa bansa sa ibang perspektibo - at upang maging vigilant akong mamamayan.

Lumipat ako ng kurso noong ikalawang taon ko. Sira lang siguro talaga ang ulo ko nang sundin ko ang elders nang sabihin nilang Accountancy ang kunin kong kurso, kahit iba talaga ang sinisigaw ng puso ko. Sawang-sawa ako sa figures, equations, formulas. 

Sa nilipatan ko, akala ko ligtas na sa numero. Mas malala pa pala. Pero mas madali kesa sa nauna kong napasukan. Less pressure e. May panahon dati na napag-isipan kong mali ako ng kursong nilipatan. Taliwas na taliwas sa hilig ko at sa talagang gusto ko. Pero naging matimbang kasi sa akin noon ang isiping kasabay akong magtatapos ng mga kaklase ko. Ayokong mahuli. Ayoko ding i-disappoint na naman ang mga magulang ko. Dun kasi sa balak kong lipatang kurso noon, uulit ako ng frist year. Malayo nga naman kasi ang Accountancy sa Journalism, o sa Archi, o sa Fine Arts. Salamat naman at nariyan ang Banking and Finance, credited lahat ng subjects ko.

Tatlong taon na rin ako sa Department of Banking and Finance. Sa darating na Mayo, susunod na taon ay magtatapos na ako. Sigurado ako dun. Hindi man ito ang kursong gusto ko kahapong wala ako sa Unibersidad, minahal at isinapuso ko na ang lahat ng natutunan ko dito and I am looking forward to the things I will learn this sem. Salamat kina Professors Prudente, Panibio, Aranza (boy), Norberte, at Pagkaliwangan na nagturo at nagbahagi ng kaalaman nila sa amin. Sa mga propesor na nagpahirap sa pamamalagi ko sa BBF, humanda kayo! Babalik akong may maipagmamalaki na. Hahaha!

Tumulong din sa pagpapadali ng buhay ko ang mga classmates. Kahit may kanya-kanyang grupo, masaya pa rin akong sila ang mga naging kaklase ko. May awayan, may backstabing, maraming issues-- pero ilan lang ito sa mga nagpatibay sa amin. Nalagasan man kami, mananatiling parte ang mga nawala ng buhay ng bawat isa.

Kung tutuusin, hindi sila ang ideal classmates. Madalas akong ma-bore dahil sa tamlay nito. Walang kompetisyon. Walang nag-aagawan sa top spot. Walang may gustong magmay-ari ng titulong "pinakamatalino." Hindi kami yung lively at active class. Nasabihan na nga kaming SECTION NA WALANG COMMON SENSE. Akalain mo yun? Si Sir Aranza ang nagbigay ng titulong yon sa amin noong third year. Micro Economics. Dull ang klase. Gustuhin ko man magpaka-bibo, nakakawalang gana. Ano yun, lagi na lang ako? Hahahaha. Ang yabang ko.

Pero, kahit papano may pagkakaisa kami (or so half of the class). Pare-pareho kaming may mga "topak."

Parang kahapon lang, wala akong kilala sa kanila. Walang kasama pag lunch. Walang nasasabihan ng secrets. Habang tumakbo ang panahon, naging malapit ako sa kanila. Sa katunayan, marami na rin akong grupong napagdaanan. Lahat yon, may mga naituro sa akin.

May iba't iba akong opinyong napakinggan. Iba't ibang problemang dinamayan.

Sana sa mga bukas na haharapin, hindi nila nakalimutang may kahapon kaming pinagsamahan.

Hindi buo ang college life ko kung walang love life. Hahahaha.

Nagkaron ng kulay ang Freshman Year ko nung naging kami nung klasmeyt ko. Sandali lang din. Sayang nga eh, boyfriend material pa naman. Limang buwan ding naging makulay ang mundo ko nun. Pero dahil ang active ko sa lahat ng bagay - PolyRep, ANAKBAYAN, Paradigm, ballet - walang nangyari. Naghanap ng iba kasi wala naman akong oras. Boyfriend ko lang daw sya sa classroom. Hahaha. Sa ngayon, in good terms kami. Ngayong taon lang din sya humingi ng tawad sa ginawa nya dati. Mula no'n sabi ko sa sarili ko "di na ko mag-boboyfriend ng kaklase, mahirap." Yun nga. Single ako mula nun hanggang ngayon. Nagka-crush ako. Marami sila. Isa dun si Raphael na mula yata third year e crush ko na. Kaya lang, dedma ako. Pero OK lang kasi natutuwa ako pag nakikita ko sya. Masaya na 'kong nakikita ko sya tuwing may Seminar. Kontento na kong silipin ang Friendster Profile nya kahit na minsan e nadudurog lang ako. Hay.

Sa ngayon, nandito pa rin ako sa pandayan. Hindi pa tapos ang paghubog sa akin ng Sintang Paaralan. Kumbaga, may mga turnilyo pang dapat higpitan at may mga dapat pang i-check kung tama ba ang lagay.

Konting panahon na lang at haharapin ko na ang mundong ilang taon ko ring pinaghandaan.

Parang kahapon lang, katatapos ko lang isulat nang maayos ang pangalan ko sa unang pagkakataon.

1 Comments:

Unknown said...

Hindi mo na kailangang kunin ang journalism para gumaling magsulat. Magaling ka na. Binasa ko ito na parang hindi siya mahaba. Parang sinulat mo lang ito sa loob ng isang mahabang hinga at tuluy-tuloy na pagsasalita. Mag-eenjoy akong basahin ang mga iba mo pang mga entries. Sana magsulat ka pa para marami pa akong babasahin.